Kung ikaw ay sumusubaybay sa aming pakikipagsapalaran dito sa aming blog, malalaman mong isa sa mga resolusyon ko sa taong ito ay ang pagpapapayat.

Kadalasan sa mga taong nagpapapayat ang timbangin ang sarili nila para malaman kung ilang kilo ba ang dapat mabawas sa kanilang kasalukuyang timbang. Pero… di ko ginawa yan nung naisip kong magpapayat. Paano ba naman, baka naman mawalan agad ako ng loob kung makikita ko na malaki ang dapat kong ibawas. Sa madaling sabi, naduwag ba.

Kahapon ay naglakas loob na ako, naisip ko kasing parang di ako seryoso sa pagpapapayat kung di ko ito gagawin. Isa pa, anong magiging panukat ko kung ako nga ay unti-unti nang gumagaang?

At, eto na nga ang nangyari. Dahil sa ang timbangan namin ay walang pounds na karaniwan na gamit sa Pilipinas, di agad ako naapektuhan nang makita ko ang timbang ko sa stones at kilograms. Pero nung nag-compute na ako! Aba, malakas ata ang gravity dito sa Australia, di ako makapaniwala!

Sinabi ko rin kay Gabriel na timbangin nya ang sarili nya. Aba, at kahindik-hindik din ang naging resulta. Di pa nga ako nakuntento sa computation ng PDA (personal digital assistant) ko at naghanap pa ako ng calculators sa internet. Wala pa rin, pareho pa rin ang resulta.

Habang naghahanap ako ng converters at calculators sa internet, naalala kong ang sikat na paraan upang malaman kung ikaw ay nasa normal weight o overweight ay sa pamamagitan ng paggamit ng BMI calculator. Ang kalulunos-lunos na resulta? Ako raw ay overweight at si asawa ay obese na. Hala!

Kaya ang gimik namin ngayon? Maglakad-lakad sa paligid ng tinitirahan namin pagkakain ng hapunan. Kaya lang ay kulang pa yata. Masubukan kaya ang mga dyeta-dyeta na yan?!?